Friday, June 19, 2015

Speech of President Aquino during the ceremonial turnover of weapons and decommissioning of the MILF combatants



Speech of President Aquino during the ceremonial turnover of weapons and decommissioning of the MILF combatants



Talumpati ng Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa Seremonyal na Paglalatag ng Armas at Pagdekomisyon ng mga Kombatante ng Moro Islamic Liberation Front (MILF)


[Inihayag sa Sultan Kudarat, Maguindanao noong ika-16 ng Hunyo 2015]​

Bilang pambungad, hayaan ninyo pong ibahagi ko ang ilang bagay na naging palaisipan sa akin sa mga lumipas na taon.

Noong bata pa po ako, noong umuusbong ang karahasan dito, hindi po ba masasabi nating: Ang pinagmulan ng hidwaan ay ang pananamantala ng iilang tao, kadalasan Kristiyano, sa mga kababayan natin dito sa Mindanao. Nang makita ng mga mapanlamang na walang pinag-aralan ang mga nagbubungkal ng lupa, ipinatitulo nila sa kanilang mga sarili ang mga lupain. Ito ang nagtulak sa mga kapatid nating Moro na ipaglaban ang nararapat lang sa kanila. Ang tanong po natin: Kung pang-aabuso sa batas ang ugat ng problema, hindi ba nararapat lang na batas na kumikilala sa karapatan at kultura ng mga kapatid nating Muslim ang maging solusyon? Mas mainam sana kung katulad ng Indigenous Peoples Rights Act, na meron tayo ngayon, ang naging tugon ng pamahalaan sa panawagan ng ating mga kababayan.

Alam po natin na hindi ganoon ang nangyari. Ipinadala ng gobyerno ang ilang bahagi ng ating Philippine Constabulary. Nang tumindi ang hidwaan at di na kayang makontrol ang kaguluhan, ipinadala naman ang Sandatahang Lakas. Ang nangyari: Imbis na makamit ang kapayapaan ay lalo pang naging masalimuot ang sitwasyon.

Dagdag pa: Kung ikaw nga ang nasa posisyon ng mga kapatid nating inagawan ng lupa noong panahong iyon, hindi ka ba mawawalan ng pag-asa kung lahat ng iyong lapitan ay tila iisa ang tono at ang tugon ay “Walang magagawa diyan”? Isipin din po ninyo: Dahil sa alitan dito sa usaping agraryo, na walang makuhang katarungan, inilagay nila sa kanilang mga kamay ang batas at nag-usbungan ang mga grupong armado.

Ang akin po: Kung inaapi ka na at napilitan kang umalis sa sistema, o labanan pa ito, dahil wala ka nang tiwala, dahil kulang ang kalinga ng Estado, naging iba kaya ang tugon mo? Matapos nga po ang ilang dekada ng barilan, matapos magamit ang mga armas, mismong ang ating Sandatahang Lakas na ang nagsasabi: Ang solusyon dito sa Muslim Mindanao ay di lang magmumula sa AFP; ang kailangan ay whole of government approach. Kailangan ng lehitimong tugon sa mga lehitimong hinaing; kailangan tulungan ang mga naisantabi nating mga kapatid para magkaroon ng tunay na katarungan.

Nang maging malinaw po ito sa akin, dumating naman ang panibagong mga katanungan. Kung masyado nang malalim ang mga sugat na ginawa ng putukan at gantihan, paano pa maipupunla ang tiwala? Pasintabi kay Usec. Manny Bautista, gagamitin kong halimbawa ang nangyari sa kanyang pamilya. Inimbitahan noon ang kanyang amang si General Teodulfo Bautista, na makipagdiyalago sa Sulu para sa kapayapaan. Subalit hindi pala kapayapaan ang hangad ng kausap niya kundi karahasan. Ang mga ganitong insidente nga ng karahasan ang nagpalala sa hinagpis na dala ng digmaan para sa maraming Pilipino, kaya hindi mo maaasahang sisibol ang tiwala sa pagitan ng magkabilang panig.

Sa ganitong sitwasyon, paano tayo aabot sa isang kasunduang katanggap-tanggap sa lahat kung ang mga negosyador mismo ay walang tiwala sa isa’t isa? Naisip ko nga po na ilang henerasyon ang bibilangin bago magkaroon ng tunay na diyalogo. Isa nga po sa mga naging mungkahi ang magkaroon ng palitan ng mga estudyante sa ating bansa. May mga kabataang taga-Mindanao na mag-aaral sa Luzon at Visayas; at may mga taga-Luzon at Visayas na mag-aaral naman sa Mindanao. Sa ganitong paraan, makakabuo ng mas matibay na relasyon ang mga bagong henerasyon, at kapag sila na ang may tangan ng renda ng kapangyarihan, makakapag-usap sila bilang magkakaibigan, imbis na bilang magkakaaway na may kanya-kanyang mahabang listahan ng hinanakit. Matagal na proseso ito, at malamang ay hindi ko na makikitang nagbubunga ng mga tulad kong hindi na ganoon kabata.

Ito po ang dahilan kung bakit talagang makasaysayan ang araw na ito. Kung babalik tayo ng ilang taon, isang napakalayong pangarap lang ang makitang naglalatag ng armas ang isang armadong grupong matagal nang nakipaglaban sa pamahalaan. Hindi lang isa, dalawa, o isang dosenang piraso ang armas na pinag-uusapan natin dito. Ito po ay ilan sa pinakamataas na uri ng armas. Moderno po ang mga ito at hindi pinaglumaan; ang mga armas na ito, kayang magdulot—at talagang nakapagdulot nga—ng matinding pagdurusa.

Mga Boss, kailangan ko pong bigyang-diin: Ang mga kapatid nating Moro ay nangako, at heto ang pruweba ng kanilang katapatan sa ating harapan. Kusang-loob pong inilatag ng ating mga kapatid ang kanilang armas. Alam nilang nariyan pa rin ang banta ng karahasan mula sa mga private armed groups, pero sa ginawa nilang ito, tila sinasabi nila sa atin: “Kapatid, itong pantanggol namin sa sarili namin, di na namin kailangan. Buong pagtitiwala naming ipinapaubaya sa inyo ang aming kaligtasan. Kapatid, itong armas, puwede na naming ibaba dahil naniniwala kaming kasama namin kayo sa kagustuhan naming baguhin ang lipunan at buhay namin.” Ginagawa nga nila ito kahit nakabitin pa ang Bangsamoro Basic Law, at mangyayari pa lang ang Bangsamoro Transition Authority.

Kaya nga po hindi ko masasabing sumusugal tayo sa pakikipag-usap sa MILF. Tsambahan po ang sugal, at wala kang hawak na pruweba sa kapalaran mo. Ito pong ginagawa naman natin ngayon ay napakatibay na patunay ng buo at busilak na pakikiisa ng MILF sa ating usaping pangkapayapaan, at sa kanilang kahandaang talikuran ang landas ng hidwaan. Iniaabot nila ngayon ang kanilang palad bilang imbitasyon patungo sa higit na pagtitiwala at pagtutulungan. Nakakalungkot nga po na ang gustong isagot ng ilan sa ating mambabatas sa imbitasyong ito ay itigil ang BBL. Imbis na itanong: “Paano ko ba mapapabuti pa ang BBL para matugunan ang hinaing ng mga kababayan natin?” tila pinag-iisipan pa ng iba ay “Paano ko ba ito pipigilan o haharangin?”

Sa mga sandaling ito, naiisip kong para tayong nasa isang kasalan o parang nasa Heart Break Hill doon po sa Boston Marathon. Sa kasalan, ang sabi po sa atin, naroon ka na nga sa harap ng altar, alam mong siya na ang pakakasalan mo, pero biglang napapaisip ka: Pipisilin ba niya sa gitna o sa dulo ang toothpaste? Ibababa ba niya ang takip ng inidoro? Klaro: Mahal na mahal mo ang pakakasalan mo, at di-hamak na maliliit lang ang mga agam-agam na ito, pero napapag-isip ka pa rin. Gaya naman sa Heart Break Hill, papunta na tayo sa katuparan ng ating samahan tungo sa kapayapaan; ngayon pa ba tayo magkakaroon ng pagdududa kung kaya nating tapusin ang marathon? Bigla ba tayong panghihinaan ng paniniwala, lalo pa’t abot-tanaw na ang finish line?

Ito po ang katotohanan: Hindi kalabisan ang hinihiling ng ating mga kapatid sa Bangsamoro; ang hangad nila, disente at mapayapang pamumuhay, gaya ng sinumang Pilipino. Kailangan din nating amining nagkulang tayo sa isa’t isa: Wala namang nakasulat sa ating relihiyon at batas na kailangan nating ipagpatuloy ang mga pagkakamali ng nakaraan. Narito na nga po tayo, binibigyan tayo ng pagkakataong iwasto ang mali, tatalikuran pa ba natin ito?

Ang masasabi ko po sa inyo: Personal kong tinututukan ang BBL. May isang pagpupulong nga, kasama ang mga kasapi ng Kongreso, kung saan, sa hangarin nating magkaroon ng tunay na “meeting of the minds” at masagot ang anumang agam-agam ay inabot kami ng madaling-araw sa paghimay at pagbubusisi sa draft BBL. Ang gusto nga po natin: pagandahin nang pagandahin ang batas na ito.

Nakalagay na nga sa kasaysayan natin ang ipinakitang halimbawa ng mga kapatid natin sa araw na ito. Ilalagay rin sa kasaysayan kung ano ang tugon ng nakakaraming Pilipino sa magandang ginawa nila. Ang tanong nga natin: Kung may sampung hakbang para lubusang magkalapit, at ginawa na nila ang siyam at kalahating hakbang, ipagkakait mo pa ba ‘yung natitirang kalahating hakbang? Pagharap mo ba sa salamin, hindi ka ba uusigin ng iyong konsensiya? Kung sa pagharang mo sa napakagandang solusyon ay umabot ka sa puntong napahamak ang pamilya mo mismo, mahaharap mo ba sila para sabihing “Sorry, pinigilan ko kasi ang kapayapaan”?

Sa inyo na bumabalangkas ng batas, at sa mga boboto kinalaunan sa plebisito kaugnay ng BBL: Alalahanin n’yo ang araw na ito. Tayong nagpabaya sa kanila, tayong nagmungkahi ng mga maling solusyon, tayo na hindi naging masigasig sa pagprotesta at pagpigil sa pang-aabuso sa kanila, aagawin ba natin sa kanila ang pagkakataong mabuhay nang may dignidad at matiwasay? Panghahawakan ba natin ang mga takot na wala namang basehan? Gusto ba talaga nating magbalik sa mga nasubukan nang solusyon pero di naman gumana at nanganak lang ng mas maraming hidwaan, at nagpalalim lang sa sugat ng kawalang-tiwala?

Dito ko nga po naalala ang sinabi ng isang pastor na Aleman na si Dietrich Bonhoeffer. Isa po siyang pastor na pinatay nang panahon ng mga Nazi sa Germany: “First they came for the communists, but I was not a communist so I did not speak out. Then they came for the socialists and the trade-unionists, but I was neither so I did not speak out. Then they came for the Jews, but I was not a Jew, so I did not speak out. And when they came for me, there was no one left to speak out for me.” Totoo po: ‘Pag hinayaan mong lapastanganin ang karapatan ng iba, hindi ba’t pumayag ka na ring maulit ang ganitong siklo, at balang-araw ikaw mismo ang puwedeng maging biktima nito?

Mga Boss, bibigyang-diin ko po: Itong dating di natin maisip-isip na mangyayari, nangyayari na. Nagawa nga po ng mga kapatid natin sa MILF ang napakalaking hakbang na ito, at maiisip mo: Mahihirapan pa kaya sila doon sa iba pang mga hakbang? Palagay ko, magiging padali nang padali ang proseso. Ang panawagan ko po: Suklian naman natin ang pagtitiwalang ipinakita nila sa atin. Sikapin nating umabot sa puntong masasabi nating: Talagang binigay natin ang lahat ng pagkakataon upang mabago nila ang kanilang buhay at maabot ang kanilang mga pangarap. Pero ito nga po: Kung ang pananaw mo ay pahirapan ang pagpasa ng batas, para mo na ring sinabing ipinagdamot natin ang dapat sana’y sa kanila; sinigurado nating wala silang pagkakataong umangat; ginarantiya nating di na sila bababa sa bundok. ‘Yan ang katumbas ng pagtutol po sa BBL.

Hindi nga puwedeng sasabihin mong para ka sa kapayapaan, pero pinahirapan mo ang pagbabalangkas ng BBL. ‘Yun bang di ka na nga nakontento sa siyam na butas ng karayom, nagdagdag ka pa ng pansampu at panlabing-isa; parang wala ka nang ibang hangarin kundi siguruhing walang puwang para sa kapayapaan. Tulungan nga po ninyo ako: Ano po ba ang itutugon ko ‘pag may nagtanong sa akin, “Saan ba ‘yung konsensiya ng mga taong nagpapatagal ng proseso para magkaroon tayo ng kapayapaan?”

Daang libo na ang napinsala at namatay, at di na mabilang ang nawalan ng tirahan at nasira ang komunidad, dahil sa apat na dekadang hidwaan. Kung di ka pa papanig sa kapayapaan, ilan pa ang mamamatayan ng mahal nila sa buhay? Ilang pamayanan pa ang maiipit sa putukan at kawalang seguridad? Ilan ang naghihirap na lalo pang maghihirap? Gaano pa katagal bago kumatok sa sarili mong pintuan ang kaguluhan at madamay ang sarili mong mag-anak?

Di po natin maitatanggi: May utang tayo sa mga kapatid natin sa Bangsamoro. May pagkakataon tayo ngayon upang itama ang naratibo ng pagdurusang sama-sama nating kinaharap. Panahon na po natin ito. Ito ang ipinaglaban ng mga nasawi nating kababayan. Ipakita natin sa mga nag-alay ng kanilang buhay, sa ating mga kababayan, at sa buong mundo: Magkakaiba man ang ating pinanggalingan at paniniwala, dahil pinagbubuklod tayo ng tiwala at pagmamalasakit sa isa’t isa, walang hamong hindi natin kayang lampasan bilang isang bansa.

Magandang araw po sa inyong lahat. Maraming salamat po.

– See more at: http://www.opapp.gov.ph/milf/news/speech-president-aquino-during-ceremonial-turnover-weapons-and-decommissioning-milf#sthash.U6MNm28K.dpuf



OPPAP Websites

OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights
Home – Human rights Promotions Website
HUMAN RIGHTS PROMOTIONS


PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

———————————————————————————————–
————————————————————
—————————–

0 comments:

Post a Comment