Friday, November 14, 2014

Hinggil sa Mensahe noong Nobyembre 10 ng Presidente ng CBCP


Hinggil sa Mensahe noong Nobyembre 10 ng Presidente ng CBCP


Luis G. Jalandoni
NDFP – Negotiating Panel
November 13, 201
Hindi iminungkahi ng Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na mamagitan sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Pilipinas (GPH) at ng NDFP. Mahigpit na patakaran ng NDFP na huwag ipagkatiwala sa anumang entidad ang kapangyarihang mamagitan sa negosasyong pangkapayapaan. Ang kapangyarihang arbitrayong magdesisyon at ipataw ito sa mga Partido sa negosasyong pangkapayapaan ay maaaring mangahulugan ng panganib sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Kaya, ang Royal Norwegian Government (RNG), na iminungkahi kapwa ng GRP/GPH at ng NDFP na tumulong sa negosasyong pangkapayapaan, ay imunungkahing lamang na maging Ikatlong Partidong Tagapagpadaloy.
Nang sabihin ng presidente ng CBCP na “mungkahing mamagitan sa pag-uusap ng gubyerno-NDF”, ang gayong mungkahi ay hindi kailanman nanggaling sa NDFP. Ang mungkahi para sa isang ikatlong partido na gumampan ng papel sa negosasyong pangkapayapaan ay dapat gawin ng magkabilang Partido. Dapat ding pagkasunduan ng kapwa Partido kung anong tipo ng papel ang gagampanan ng ikatlong partido sa negosasyong pangkapayapaan.
Dapat ilinaw sa Presidente ng CBCP na nakabase sa Pilipinas ang rebolusyonaryong pamunuan. Inatasan ang Negotiating Panel ng NDFP ng rebolusyonaryong pamunuan na makipag-usap para sa kapayapaan sa ngalan ng mga rebolusyonaryong pwersa. Ang kumand at pamumuno ng rebolusyonaryong pakikibaka ay ginagawa sa Pilipinas.
Kaugnay sa negosasyong pangkapayapaan, kung may panukala na isang kasunduan para sa isang pansamantalang tigil-putukan upang itaguyod ang usapang pangkapayapaan, nagrerekomenda ang Negotiating Panel ng NDFP sa rebolusyonaryong pamunuan para sa implementasyon ng gayong tigil-putukan. Halimbawa, noong Disyembre 18, 2012, nagtagpo ang magkabilang panig sa The Hague kasama ang tagapagpadaloy mula sa RNG, mayroong panukala na magkaroon ng magkatugong tigil-putukan sa loob ng 27 araw. Ipinarating ng Negotiating Panel ng NDFP ang panukalang ito sa rebolusyonaryong pamunuan sa Pilipinas. Kaya naipatupad ang isang 27-araw na tigil-putukan umpisa Disyembre 20, 2012.
Nakagawa ng malaking pagkakamali ang presidente ng CBCP, sa pag-akusa sa Bagong Hukbong Bayan na pasanin ng mamamayan sa kanayunan. Naglulunsad ang BHB at iba pang rebolusyonaryong pwersa ng maka-mamamayang progrma ng reporma sa lupa, kalusugan, edukasyon kabilang ang literasiya at pagbilang, kultura at pagtatanggol-sa-sarili. Nagreresulta ang mga programang ito sa pagpapabuti ng buhay ng milyun-milyong mamamayan. Kaya, minamahal ng taumbayan ang BHB bilang kanilang hukbo, sa pagtatanggol sa kanilang mga karapatan at programa. Ang gayong pag-akusa na nagmumula sa panel sa negosasyong pangkapayapaan ng GPH ay pagbaluktot sa katotohanan. Batid ng mga lider ng simbahan at iba pang taong-simbahan, na malapit sa nakikibakang mamamayan, na mali ang alegasyon mula sa panel sa negosasyong pangkapayapaan ng GPH.
Mariin naming pinasisinungalingan ang alegasyon na walang sustantibong ibinunga ang negosasyong pangkapayapaan. Ang The Hague Joint Declaration bilang balangkas ng negosasyong pangkapayapaan, Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at ang iba pang saligang kasunduan ay mga signipikanteng resulta. Kinilala ng ibang bansa ang mga ito, kaya nagkaroon ng dalawang resolusyon ang European Parliament na nag-endorso rito.
Kinalulugdan ng Negotiating Panel ng NDFP ang mga lider simbahan na nag-imbita sa amin nang bumisita kami sa bansa. Ikinasisiya namin ang kanilang mapagkaibigang kondukta. Nang sila’y bumisita sa International Office ng NDFP, sinalubong at inistima namin sila. Naniniwala kami na ang ganitong mapagkaibigang interaksyon ay makatutulong sa magkabilang panig at makatutulong sa pagpapayabong ng diwa na pabor sa pagsusulong ng mga hakbang para makamit ang isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa ating bansa.
Ikinalulugod namin ang tuluy-tuloy na pagsisikap na magpunygai para sa isang makatarungang kapayapaan ng Philippine Ecumenical Peace Platform (PEPP), ng Ecumenical Bishops’ Forum (EBF), ng Pilgrims for Peace, ng Sowing Seeds for Peace at ng KAPAYAPAAN Campaign for Just and Lasting Peace, na may mga prominente at makabuluhang lider simbahan. Ang panawagan ng mga tagapagtaguyod ng kapayapaang ito na umaakto bilang “mga tagapanday ng tulay para sa kapayapaan” na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan, kilalanin ang lahat ng kasunduan, at harapin ang mga ugat ng armadong tunggalian, ay isang kaaya-ayang positibong tulak para isulong ang negosasyong pangkapayapaan upang makamit ang isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.


OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES

http://www.philippineinsurgency.co.nr/

PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

———————————————————————————————–
————————————————————
—————————–

0 comments:

Post a Comment